top of page

 

MEMOIRS OF AN INDIE

(A True Story)

by

Marvin Basco

 

“Sa kwentong ito ng buhay ko malalaman ang tunay na kahulugan ng tunay na “pakikipagkaibigan”, kaibigan, bestfriends- sila kasi yung extension ng pamilya mo, minsan yung mga sikreto mo na hindi mo masabi sa pamilya mo lalo na sa mga kapatid mo ay nasasabi mosa mga kaibigan mo..kasama mo sila sa lakaran, kasiyahan, kalungkutan at maituturing mong binigay ng Diyos upang makasama mosa sa pagbuo ng iyong mga pangarap..tunay na kaibigang darating, makakasama , ngunit papaghihiwalayin kayo ng kamatayan”

 

Chapter 1

 

   Lumaki akong simple at mahirap lamang ang buhay sa probinsiya ng Nueva Ecija, bayan ng Talugtog. Plain housewife  ang Nanay Sabina ko at isang karpintero ang Tatay ko. Ako ang bunso sa tatlong magkakapatid, panganay namin ay si Ating Mileth at kuya ko naman ay si Kuya Dante. Mahirap kami pero masaya naman at tahimik ang buhay. Tipikal na buhay probinsiya, minsan o dalawang beses sa isang buwan naming nakakapiling ang Tatay Marcelo ko dahil palipat-lipat sila ng destino bilang karpentero sa isang construction company. Isang ulirang ama at ina ang mga magulang ko, ni hindi ko sila nakitang nag-away sa harap naming magkakapatid. Meron man siguro pero hindi nila ipinapakita sa amin. Laking probinsya kami pero may kanya-kanya kaming talentong binigay ng Diyos sa aming magkakapatid. Ako ay biniyayaan ng magandang tinig, ang kuya dante ko naman ay sa pagdo-drawing at ang ate Mileth ko naman ay madaling natutong mag-gupit sa laging pag-sama sama nya sa Nanay Sabing ko.  Beautician din ang nanay ko sa baryo namin.

   Lagi akong sumasali sa mga amateur singing contest noon sa amin. Dumarayo pa nga kami sa karatig-bayan para sumali lamang at lagi akong nananalo.  Nakapagtapos ng Vocational Secreatarial ang Ate Mileth ko, pero nag-asawa sya agad at nagpakasal kay Kuya Rey ( taga don din sa amin) at nabiyayaan sila ng 3 anak. Nag-aral naman kami sa kolehiyo ni Kuya Dante ko sa CLSU (Central Luzon State University).  BS Agriculture Ext. Education ang kinuha ng kuya ko, ako naman ay BS Elementary Education Major in Guidance Counselling. Hindi naman kami matatalinong tao pero matitiyaga kami sa pag-aaral, wala kaming mga bisyo at di nakikipagbarkada sa masasamang impluwensya. University-singer ako ng CLSU, dahilan upang malibre ako ng tution fee noon pero may mga bayarin parin.  Malaking tulong na rin ito kahit papano sa gastusin naming magkapatid dahil sa nakakapag-aral lang kami dahil sa dugo’t pawis ng tatay ko mula sa pagkakarpintero nya Maganda kasi ang work ethics ng tatay ko sa trabaho kaya tuloy-tuloy ang work nya ng ilang taon. Syempre hindi pa rin nawala sa akin ang paglaban-laban ko ng kanta sa mga amateur singing contest at minsan nakilala ko ang isang dancer ng CLSU na si Kuya Aries at tinuruan nya akong maging dance instructor o DI. Natuto naman agad ako hanggang sa pagkanta at pag-di-DI na ang naging raket ko at pati narin pagsusulat ng mga kanta ay ginagawa ko rin noon. Kung anu-anu lang na lyrics at tono ang ginagawa dahilan para pagtawanan ako ng mga nakakarinig sa akin. May mangilan-ngilan din akong naging gf sa campus noon dahil maraming may ‘crush hindi naman ako gwapo pero siguro humahanga sila sa ganda ng boses ko. Pero ang kuya ko bilib ako kasi ang gaganda ng mga naging gf nya sa campus, kasi gwapo ang Kuya Dante ko, may pagka-tsinito ang kanyang mga mata at may dimples sa kanang pisngi.

   Nagpatuloy ako sa pagraket-raket at kumikita ako ng medyo malaki noon at nakakatulong ako sa mga gastusin ng pamilya ko sa Talugtog lalo na pati sa allowance naming magkapatid sa pag-aaral. Ang mga grades ko naman ang ‘nagsakripisyo’. Pag kumakanta kasi ako sa gabi or nagsayaw madaling-araw na kami natatapos at hindi ko na madalas napapasukan ang mga pang-umagang subjects ko pati na hapon. Hanggang sa tuluyan na akong huminto nasa 3rd year college na sana ako noon. Pinagalitan ako syempre ng pamilya ko lalo na ang Kuya Dante ko dahil sayang daw. Sa isip ko naman noon, kumikita na ako ng malaki,  hindi ko na kailangan ang edukasyon pa. Nagpatuloy ako sa ganoong set-up ng buhay ko. Party dito, party doon, out of town dito, out of town doon.  Kanta dito kanta doon, sayaw dito sayaw doon, at least enjoy na kumikita pa. Ang kagandahan lang, matitino ang mga kasama ko at hindi ako napariwara para magbisyo. Nakakatulong pa sa pamilya at sa dagdag allowances ng Kuya Dante sa pag-aaral na noon ay graduating na taong 1998.

   Nagkasakit si Tatay Marcelo ko noon ng pneumonia. Sa akin na napunta ang obligasyon para mapatapos ang kuya ko. grumadwet naman sa wakas ang kuya ko at masayang-masaya ang buong pamilya nami. Akalain mo unang college grad sa pamilya namin na sa pamamagitan lang  ng pagkakarpintero ni tatay at pagsasayaw at pagkanta-kanta ko ay nakatapos ang kuya ko. Hindi agad nakahanap ng trabaho si kuya pagkatapos nyang magtapos ng kolehiyo, Nasa bahay lang siya ng halos isang taon kaya natutukan nya ako sa singing career ko na papausbong na noon. Tinuturuan nya ako sa stage presence ko, dictions, phrasing and right emotions. Maganda rin ang boses ng kuya ko, in fact during college days lumalaban din sya ng amateur singing contest. Pinipilit ko syang sumali lalo na pag wala na kaming allowance at tinatakot ko siyang hindi ko siya babalatuhan pag nanalo ako. Minsan ako ang first place, 3rd place naman siya ganon ang set-up at tanggap naman nya na hindi nya ako matatalo. Pero ako hindi ako kasing-galing nyang magdrawing. Wala akong talent doon. Kaya tanggap ko na mas talented ang kuya ko kesa akin.

   Isang araw, may nagkainteres sa pagkanta ko na isang talent manager.  Dahil sa pagkakapanalo ko sa Awit ng Tanghalan sa buong Northern Luzon. Dahil doon, ginawa niya akong in-house singer sa Café Padrino & Resort na pag-aari niya mismo.  Dinadala din nya ako sa Shangrila Hotel Makati para kumanta sa mga events doon. Dito ko nakilala ang manager na si Jun Asuncion (dating manager ni Ms.Pilita Coralles & Reycard Duets).

   Medyo busy na ako as in-house singer noon sa Resort ng manager kong si Lher De Guzman. nakahanap na rin ng work ang kuya dante ko sa Producers Bank sa Guimba, Nueva Ecija bilang Loan Marketing Officer. Halos isang taon na ang ganoong set-up nung magkasakit ang kuya ko ng End stage  ng Renal Failure. Kung kani-kanino kami nanghiram noon ng pera at kung saan saan kami duktor nagpunta to have a second opinion pero iisa parin ang resulta. Malalang sakit sa kidney at kailangan nyang mag-dialysis ng panghabang-buhay. Napakasakit sa aming magpapamilya ang resulta ng sakit ni kuya dahil napakamatulungin nya sa amin. Tuwing sweldo nya halos walang matira sa kanya at binibigay nya sa Nanay namin si kuya pa naman ang inaasahan ng buong pamilya na mag-aahon sana sa amin sa hirap ng buhay. Balik trabaho na rin si tatay sa trabaho pagkatapos nyang gumaling sa sakit. Ako ang nagvolunteer na mag-alaga kay kuya, nanghihinayang man ako na sa pangalawang pagkakataon ay magdrop ulit ako sa pag-aaral dahil nong nagkatrabaho na si kuya, inumpisahan ko ulit na ituloy ang pag-aaral ko sa kolehiyo. Hindi ako nag-atubiling akuin ang pag-aalaga sa kuya ko, dahil ang ate Mileth ko naman that time ay maliliit pa ang mga anak niyang si Ronron, Rhea Mae at Rizzalyn. Ako lahat ang nagbigay ng mga pangalan nila. Napilitan kaming lumuwas ng Manila noon buwan ng December 1999, kasama ko ang Tatay at Nanay sakay ng Ambulansya at dahil ang kuya ko ay hinang-hina na. Sa National Kidney & Transplant Institute (NKTI) namin dinala ang kuya ko, doon nakumpirmang kailangan na talaga ng kuya ang dialysis ng panghabang-buhay or kidney transplant. At noong araw ding iyon binutasan ang tiyan ng kuya to have a peritoneal dialysis. Naubos agad ang perang dala namin, tulong ng kumpanya ng kuya at tatay ko, nahiram ko sa mga kaibigan ko at manager ko sa resort ng halos isang Linggo na paglagi namin sa ospital. 

   Mabilis ang pagbagsak ng katawan ni kuya,  pero pasalamat din kami dahil andon naman lagi ang gf ng kuya ko para dalawin siya at bigyan ng moral support. Paglabas namin ng ospital tumuloy muna kami sa inuupahang bahay ng pinsan ko sa may Novaliches, Quezon city. Kasama niya ang asawa’t isang anak nya na lalaki. Buti na lang that time sa Manila din nakadestino ng work ang tatay ko kaya tuwing weekend pinupuntahan nya kami sa Novaliches. Napakalaki rin ng tulong ng Auntie Celing ko. Kapatid ng Nanay Sabing ko na maykaya sa buhay at Uncle Mike, asawa ni Auntie Celing, sa financial needs ni Kuya for his dialysis session,  dahil sabi nga nila sakit daw ng mayaman ang sakit ni Kuya. Mabilis lumipas ang isang buwan,  ganon parin ang set-up naming magkapatid. Dialysis, hospital, blood transfusion. Dagdag dagok sa amin noon nong bigla-bigla’y pinaalis kami ng asawa ng pinsan ko sa inuupahan nilang bahay sa Novaliches kesyu pabigat daw kami sa buhay at baka daw mahawa ang anak nila sa sakit ni Kuya. Pero sa tingin ko never naman kaming naging pabigat sa kanila at medically speaking, hindi naman nakakahawa ang sakit ng Kuya. umiiyak kaming magpapamilya noon nong umalis kami sa tahanan ng pinsan ko. Alam ko ayaw din naman ng pinsan ko na paalisin kami, subalit para wala na lang  gulo ay umalis na lang kami.

   Napadpad kami sa may Tandang Sora malapit sa bunk house nila tatay. Isang maliit na kwarto lang at andon na lahat. Kinalimutan ko na ang pagkanta noon dahil naka-focus ako sa pag-aalaga sa Kuya ko. Gusto kong madugtungan ang buhay nya, kaya sobrang inaalagaan ko siya. Napabayaan ko na rin ang sarili ko noon, mistula akong matanda na hindi na nag-aayos sa sarili. Halos tatlong buwan kami sa maliit na kwarto sa Tandang Sora, subalit naswertehan ng tatay kong mabunot ang pangalan nya sa kumpanya para bigyan ng housing sa Montalban, Rizal. Parang pabahay daw sa may mga mabibigat na suliranin sa pamilya. Dali-dali at sobrang saya kaming nag-alsa balutan ulit papuntang Montalban, Pizal at pagdating namin ay sinalubong kami ng isang maayos na matitirhan. Tuwang-tuwa kami noon, first time naming makatira sa medyo maayos na bahay. May dalawang kwarto, may 1 bathroom , kitchen at laundry. Para kaming mga bata na lundag ng lundag dahil least mararanasan  na rin naming mamuhay sa isang disenteng tahanan. Nakalimutan naming pansamantala ang suliranin namin sa sakit ni kuya.

   Taong 2000 nong malaman ni kuya na nagpakasal nasa iba ang Gf nya, nakikita ko siya minsan sa gabi, nakaupo at umiiyak at nananalangin. Alam ko masakit sa kanya iyon ngunit natanggap rin niya dahil alam niyang maysakit siya na panghabang-buhay at ayaw din niya na maging pabigat pa siya sa kanyang minamahal. Kaya tinanggap niya na walang pagsisisi na wala na  sa kanya ang kanyang mahal. Isang taon pa ang matulinglumipas, wala pa rin kaming mahanap na kidney donor. Rejected kasi ako as donor dahil di kami magkapareho ng blood type. Ang ate Milet ko naman ay mas maliliit daw ang kidneys niya at pag siya pa ang nagdonate baka daw magkaproblema. Nagvolunteer ang bayaw ko pero hindi sila match. Kung saan –saan ako humihingi ng tulong noon na pam-financial support para kay kuya. DSWD, SSO, MALAKANYANG ,SENATE ,DOH ,NGO’S at mga  PULITIKO, pero hindi makasapat sa gastusing medical ng kuya, bukod pa doon ang halos lingo-linggong paghahanap ko ng mga blood donors para kay kuya. Sinasalinan kasi siya ng dugo monthly at every 3 months nagdodonate din ako pandagdag.

   Taong 2001, habang nanonood kami ng MTB {Magandang Tanghali Bayan} sa Channel 2, ABS-CBN, may napanood akong labanan ng kantahan. STAR QUEST. Pinilit pilit talaga akong sumali ni kuya dahil kayang-kaya ko daw ipasa ang audition. Dahil sa kagustuhan ko na ring kumita ng pandagdag sa mga gastusin, nag-auditon nga ako. Si Mon Nazareno noon ang screening committee at pasalamat naman ako at pumasa naman ako sa audition at inesched ang taping for the contest proper. Natatandaan ko pa noon ang kinanta ko ay IKAW ANG LAHAT SA AKIN. Sinama ko siyempre sila nanay, kuya dante at ate milet ko at si Izang (bunsong anak nya) na kasalukuyang nababasyon noon sa amin.  Dahil na rin sa hindi naman ako masyadong prepared at pagod sa pag-aalaga kay kuya Dante, natalo ako pero ganon paman pasalamat narin ako kasi at least sa dinami-dami ng nagaaudition isa ako sa napiling contestant. At masaya ako noon dahil nabigyan ko ng kasiyahan ang pamilya ko lalo na ang kuya ko na makapanood ng Live sa TV show na sikat na sikat. May 5k akong consolation price noon pero dumeretso ito na pangdialysis session.

   Since na-open na naman ako sa pagkanta, kung walang dialysis session si kuya ay sinasamahan nya ako sa mga Bar at mga barangay dito sa Manila na nagpapa-singing contest. Ginawa kong hanapbuhay ito. Sabi nga ni kuya noon, ansarap namang may kapatid na talented. Di ko malilimutan ang mga lambing at sabay akbay sa akin. Yung dating 3x a week na dialysis session ni kuya ay nabawasan ng 2x a week nalang ngunit kapag walang-wala kaming pera once (1) a week nalang.  ganon pa rin ang set-up namin, hospital pag nag-eemergency sya, dialysis pag may pera, bondings namin sa bahay, kantahan kami at patuloy niya akong tinuturuan ng mga techniques pa sa pagkanta. Hanggang isang araw hindi naka-dialysis ang kuya for almost 1 week dahil walang-wala na kaming maremedyuhan, halos masuyod ko na lahat ng ahensya ng gobyerno at mautangan ang dapat mautangan at mahingan ng tulong. Wala naring maitulong noon ang mga kamag-anakan ko dahil said din sila. Bukod pa doon nagkaroon na rin ng kumplikasyon ang kuya na Hepa B.

   August 2002 nong magpasya akong umuwi muna ng probinsya upang humingi ulit ng tulong sa mga kaibigan ko doon,  halos 3days ko na inikot ang bawat taong alam kong may itutulong pero bigo akong makahingi ng sasapat sa 1 dialysis ni kuya. Nagkakahalaga ng 3,500/session, ganon paman nong nakabuo na ako halos 3k ay nagpasya na akong bumalik ng Manila. Nakasakay na ako ng Jeepney pauwing Montalban  ng biglang tapikin ako ng kapitbahay namin na nakasabay ko sa jeep at sabihan akong Condolence. Napamaang ako sa sinabi nya at ilang minutong halos tumigil ang mundo ko. Natauhan lang ako nong marinig ko ang sabi niya na 'kawawa naman ang kuya mo no?". Doon ko nakumpirmang si kuya Dante ko pala ang tinutukoy nya. Parang balon ng tubig na tumulo ng tuloy-tuloy ang mga luha ko mula sa aking mga mata, kasabay noon ang pagbuhos ng malakas na ulan.  Sa wari ko, tila pati langit ay nakisimpatya sa akin. Ni hindi ko na namalayan na nakarating na pala kami ng Montalban. Kung di pa ako inaya ng kapitbahay namin na bumaba nang Jeep hindi ko pa maalalang bumaba. Sumakay ako ng traysikel papuntang bahay at pagbungad ko sa pintuan ay naabutan ko ang Nanay at Tatay kong umiiyak. Si nanay ay nagpapalahaw. Para akong pinagsukluban ng langit at lupa sa oras na iyon, niyakap ko ang mga magulang ko at kinompirma nga nila na wala na si kuya Dante. Iniwan daw nila ito sa punenarya ng ospital dahil hindi nila mailabas hanggat di ka sila bayad sa ospital. Dali-dali kaming umalis ng bahay at tinungo ang Ospital. Nangangatal ang buo kong katawan nong makita ko ang kuya Dante ko na wala ng buhay, malamig na ito at nakatakip ng puting kumot. Ang sabi ko sa kanya, “ bakit hindi mo man lang ako hinintay kuya, may naremedyuhan naman ako eh”. Tumutulo ang luha ko. Naisip ko, kaya pala bago ako umalis ng tahanan namin ay pabiro niyang sabi, “Marvin pag nawala ba ako, ilang taon naman bago mo ako makalimutan?” Sagot ko naman sa kanya, “ Hmmm, baka isang linggo lang kuya?” “ha! Ambilis naman”, sabi nya. Sabay kaming nagtatawanan. 

   Tandang-tanda k opa noon ang huling salita niya sa akin, ”Marvin, salamat dahil sinakripisyo at ginawa mo lahat ng makakaya mo para madugtungan lang ang buhay ko. Pati na rin sa mga taong tumulong sa atin. Salamat sa inyong lahat. Godbless at ingat ka sa lakad mo, ading." iyon ang huling litanya nya. Inuwi namin sa probinsya ang bangkay ng kuya at dumagsa ang mga nakidalamhati sa amin. Sobrang bait na tao kasi ng kuya ko, he’s a perfect example of a good man. Naihatid namin sa huling hantungan ang kuya na lahat kami ay in denial parin na wala na siya.  Pero kumapit kami sa Diyos, lahat kami nagpakatatag at humugot ng katatagan sa bawat isa.

   Nagpasya kaming bumalik sa Manila upang ipagpatuloy ang buhay na wala na ang kuya ko. Nakahanap naman ako ng trabaho taong 2003 sa isang NGO na naglalayong tumulong sa mga maysakit sa mga Ospital (Social Services Office). Sinabi ko noon sa sarili ko parang related yata sa trabaho ko ang naging karanasan ko ng halos 3 taon kay kuya Dante. Sinubsob ko ang sarili ko sa trabaho. Patuloy pa rin nagtatrabaho si tatay noon sa construction at ang nanay naman ay unti-unti na ring nakakabangon mula sa kirot ng pagkawala ng kuya. Pinilit kong magpakatatag alang-alang sa kanila. Mag-iisang taon na ako sa trabaho nong magkasakit si tatay sa Baga (TB) na naging daan para siya ay tumigil pansamantala, napilitan akong magdouble job. Naghanap ulit ako ng mga makakantahang Bar sa gabi at sa araw naman ay nagtatrabaho ako sa SSO. Bumalik din ako sa pagiging Latin Dancer at nakatulong naman ito ng malaki sa gastusin namin sa bahay, sa mga gamot ni tatay para sa baga at makaambag din sa  pag-aaral ng aking mg pamangkin sa probinsiya.

   Sa di inaasahang panahon, nakilala ko si Juvy na naging Gf ko.  Pero dahil priority ko ang family, halos isang taon lang kami at nagkahiwalay din.

   Taong 2004 nong may dalawang kliyente kami sa trabaho na nagpapatulong for medical assistance na may dala-dalang Blood request form, sila sina Steve at Si Malou. Since ako ang nakatoka sa Blood Program, ako ang naatasan ng Boss namin na mag-assist sa kanila. I did my best to help them up especially sa needs nila for blood transfusion ng kanilang pasyente sa Ospital. Napansin ko ang babaeng kliyente namin, cute siya at may pagkatsinita. Tsinita kasi ang type ko sa mga babae. Big fan kasi ako ni Kris Aquino eh, sa totoo lang nong college days lahat ng crush ko kahawig nya at may naging ka-MU pa akong hawig din ni Kris.  Binuklat ko sa log book ng naiwang mga contact number nina Steve at Malou at una kong dinayal ang number ni Steve. ”Kumusta mga pasyente nyo, bro? Nakuha nyo ba sa ospital yung blood referral nyo?", tanong ko kay Steve. ”Ah oo, Bro, Salamat ha”, sagot niya.

   Ang akala ko noon ay magkasintahan sina Malou at Steve, pero ayon sa kuwento niya, sa ospital din lang niya nakilala si Malou. Lihim natuwa ako at least mali pala ang akala ko na sila. Kinabukasan, tumawag naman ako sa number ni Malou.  Pero ayon sa kaopisina niya na si Derlyn, nakaleave siya sa araw na iyon. Ang rason daw niya ay kamamatay lang daw ng nanay niya. Nagpaabot ako kay Steve ng aking pakikiramay sa nanay ni Malou. Papunta kasi sa lamay si Steve kay sa kanya ko na lang ipinasuyo at pinabigay ko rin ang aking number kay Malou.

   Mabilis lumipas ang ilang linggo, naging abala p arin ako sa trabaho ko sa Bar bilang singer at staff sa opisina sa araw. Sa opisina, doon nila ako natuklasang marunong magcompose ng kanta, kaya naman tuwing may program kami noon ay kinakanta ko ang mga composition ko. Minsan Acapella, minsan naman pinapagitara ko sa office mate kong marunong maggitara. Isang gabi ng weekend, wala akong trabaho o kanta sa bar. Sa gitna ng pananahimik ko sa kuwarto ko ay biglang tumunog ang cellphone ko. Walang nakaregister na pangalan. Sinagot ko ito at narinig ko ang boses ng isang babae. “Hello, can I talk to Marvin”, sabi niya. Sagot ko naman, ”speaking …”. "Si Malou nga pala ito, kumusta ka na?", tanong ni Malou. Parang nahihiya ako na parang hindi ko alam ang sasabihin. Sobra atang kinikilig ako sa minutong iyo. ”Ok lang, condolence pala sa pagkawala ng nanay mo pasensya kana at di na ako nakapunta sa last night kasi busy sa trabaho”, ang nasabi ko. ”Ok lang yun “, aniya. Hindi ko na namalayan kung ilang minuto o oras kaming nagkausap.

   Niligawan ko si Malou. Date, kain sa labas, nood ng sine. Officially naging kami noong September 29, 2004. Naging busy kami pareho sa trabaho namin, ako as blood coordinator. Siya naman as staff sa Accounting Department ng isang pharmaceutical company sa may Katipunan. Tuwing weekends kami nagkikita at naipakilala ko na siya sa mga magulang ko at kapatid. Naipakilala na rin niya ako sa kaniyang pamilya. Naikuwento ko sa kanya ang naging pagsubok namin sa pamilya. Ang pagkawala ng kuya Dante ko. Dahil sa pagkawala ng nanay niya,  ang pagkuwento ko ng sobrang pahirap na dinanas namin ay magpapagaan sa kanyang dinadala at malalaman niyang mas grabe palang  paghihirap ang inabot ko. Alam ko na naging inspirasyon naman niya ang kuwento ng buhay ko para magpatuloy na mamuhay ng normal. Sabi ko pa nga sa kanya noon: "Diyos ang aagapay sa atin..."

 

Itutuloy...

 

 

© 2016 by ANG MAESTRO MEDIAWORKX.

PRODUCTION TEAM

Publisher/Editor-in-Chief

 JIMI JURADO

Associate Editor

JESSIE GRACIO

Senior Writer

JERSHON CASAS/LORNA RODRIGO

Contributors

INDIE ARTISTS

 

bottom of page