top of page

EDITORYAL

ni JESSIE GRACIO

MUSIKA O KALUSUGAN

Marami ang nagulat ng inihayag ni Wolgang’s frontman Basti Artadi ang kanyang malubhang karamdaman at nanawagan sya ng tulong para matustusan ang kanyang gastusin sa pagpapagamot. Marami ang nakisimpatiya at nanalangin para sa kanyang pag galing.

 

Marami ang nagtaasan ng kilay at binigyan ng kulay at malisya ang paghingi ng tulong ng isang rock icon sa industrya ng musika. Hindi ko maiwasang magtanong kung bakit ganito ang kalagayan ng industriya ng musika at sining sa ating bansa. Tinatanong ko sa aking sarili kung bakit sa kabila ng maalwang estado sa buhay, kasikatan, katanyagan, karangyaan ng isa sa mga inspirasyon ko sa genre ng musikang bato, dumating siya sa puntong kailangan nyang makipaglaban at makipagbata sa isang sakit na di naman nya ginusto. Kailangan niyang lunukin ang hiya at tanggapin ang mga puna at alipusta ng mga malisyosong isipan at panghuhusga ng ilang mga taong mala-Hentil ang ugali na imbes na tumulong at maglaan man lamang ng panalangin at magbigay ng suportang moral sa isang kapanulat at kapatid na may pinapasang kalbaryo ng karamdaman ay hinuhusgahan pa.

 

Marami sa atin ang ugaling Hentil at ipokrito, masakit man ito ngunit ito ang katotohanan. May ilang tumutulong. sumusuporta, nakikisimpatiya. Ngunit sa kaibuturan ng puso’y hungkag at isinusumbat pa ang ibinigay na tulong. Di ba't ito ang ugaling Hentil na sabi ni Hesus sa Bibliya, “Kung ikaw ay tutulong o magbibigay ng limos, huwag mo na itong ipangalandakan pa o ipakita sa madla upang gantimpalaan ka ng iyong Amang nasa langit na nakakakita ng iyong lihim na kabutihang ginawa.”

 

Maaaring sa isang banda si kapatid at kapanulat na Basti Artadi ay isang matatawag nating “can afford” na indibidwal, pero he is asking for help dahil seryoso at di biro ang gastusin sa pagpapagamot ng kanyang karamdaman. Di ba't nakasaad din sa turo ng Bibliya na kung may kumatok at humihingi ng tulong, tanggapin mo at papasukin ito sa iyong tahanan. Ang nagugutom pakainin. Ang nauuhaw painumin. Ang may karamdaman kalingain.

 

Ano man ang estado ng buhay ng isang tao kapag humingi ito ng tulong, atin sanang iabot ang ating mga kamay upang siya ay tulungan. Di ba't wala na dapat tanong at pagdududa kung bukal sa loob ang pagtulong?

​

Para sa ating mga musikero, ang musika ay nagpapanatili sa atin para lumusog at maging masigla. Lumalaban tayo at patuloy na tumutugtog kahit na maulanan, malipasan ng gutom, mapuyat at manganib ang buhay, dahil nakakalimutan natin ang lahat ng karamdaman everytime na maririnig natin ang palakpakan ng madla. Sapat na iyon, kahit na sa pag uwi mo wala kang pamasahe at wala kang pambili ng gamot. Pinapakita natin sa kapwa nating mga musikero na hindi hadlang ang karamdaman para ipagpatuloy ang passion ang love for music. Music is life ika nga, and life must go on.

 

Ngunit sadyang mapanghusga ang ilan sa ating mga kasama sa industriya, imbes na gumawa ng hakbang upang isulong ang pagkakaroon ng solusyon at suporta sa ilang mga nagkakaroon ng karamdaman na kasama sa industriya, heto’t ang pinapakalat ay mis impormasyon at malisyosong akusasyon. Dapat baguhin na ang ganitong pag uugali, dahil hindi healthy ito para isulong ang pagkakaisa ng lahat ng mga musikero sa Pinas. Suportahan sana natin ang existing na programa na nagsusulong para sa medical assistance and financial support para sa mga tulad kong musikero, gaya ng FILSCAP at FILCOMDEC.

 

Bigyan sana ng karagdagang pondo o isulong natin ang panawagan ng dagdag na budget mula sa pamahalaan ng Medical Support para sa mga kapanulat nating may malubhang karamdaman at nagkakasakit imbes na kutyain, siraan, pababain ang moral ng isang nag-i-struggle na kapanulat. Bigyan natin siya ng pagkakataong gumaling at pagwagian ang kanyang karamdaman. Huwag natin syang husgahan. Hindi makakatulong ang sumbat, at malisyosong panghuhusga.

 

Nawa’y buksan natin ang ating mga mata at maging ang ating mga puso para iabot ang kamay sa pagtulong na bukal sa ating mga kalooban. Para sa mga kapanulat natin at kapatid na musikero, we must look forward to win the battle against sickness and erase the remaining pain. Let's take good care of our health, dahil ang musikerong malusog, tuloy-tuloy sa pagtugtog. Mabuhay ang musikang Pilipino!

  • Facebook Clean

© 2016 by ANG MAESTRO TRIBUNE.

bottom of page